Tiniyak ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa maanomalyang transactions sa paggamit ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasama ang pakikipagsabwatan ng mga kongresista para makakuha ng kickbacks sa mga infrastructure projects.
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, hihingin nila kay Sen. Panfilo Lacson ang listahan ng mga infrastructure projects sa distrito ng mga mambabatas at babantayan kung may korapsyon sa pag-iimplementa nito lalo na sa mga big ticket projects na pinaglaanan ng bilyong government funds.
Batay sa naunang isinumiteng report ng PACC, nakakatanggap ng 10 hanggang 15% komisyon ang mga kongresista sa mga infra projects na ginagawa ng DPWH.
Sa laki ng komisyon ng mga ito sa mga proyekto, bukod pa sa porsyento ng mga tiwaling DPWH officials, mga contractor at district engineers ay halos 50% na lang ang napupunta sa project cost na siyang dahilan kung bakit maraming substandard na mga proyekto.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papangalanan ang mga kongresista na nasa PACC report dahil wala ito sa kanyang hurisdiksyon pero kaniya itong isusumite sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman para sa paghahain ng kaso.
Una na ring sinabi ni Lacson na maraming contractor ang umiiyak dahil sa pambabraso ng mga kongresista na makuha ang kanilang kickbacks kung saan ilan sa mga ito ay ang kita lang sa mga infra projects ang inaatupag.
Samantala, tiniyak ni Lacson na hindi pa tapos ang pagharang sa naglalakihang infrastructure budget ng mga kongresista kahit tinapos na ng Senado ang period of debates para sa P4.5 trillion 2021 national budget.
Aniya, maari pa rin mabago at patuloy niyang kukuwestiyunin sa bicameral conference meeting ang mga isiningit na budget na ginawa ng House Leadership.