Binabantayang LPA, isa nang ganap na bagyo

5444

Isa nang ganap na bagyo ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng bansa na huling namataan sa layong 135 kilometers silangang timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Ang nabuong Tropical Depression ay pinangalanang Ofel na itinuturing na pang-labinlimang bagyo ngayong 2020.

Taglay ng bagyong Ofel ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers per hour (km/h) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 (km/h).

Dahil sa bagyo, makakaranas ng mahihina hanggang may kalakasang pag-ulan at malalakas na hangin ang probinsya ng Samar at Sorsogon.

Makaka-apekto rin ang bagyo kasama ang pinag-ibayong Southwest Monsoon sa Mindanao, MIMAROPA, Bicol Region at sa nalalabing bahagi ng Visayas.

Magiging maganda naman ang panahon sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa pero posible pa rin ang pag-ulan sa gabi dulot ng localized thunderstorm.

Facebook Comments