Binansagang healing priest na si Fr. Fernando Suarez, pumanaw na

From Facebook/Fernando Suarez

Pumanaw na ang tinaguriang healing priest na si Fr. Fernando Suarez dahil sa heart attack nitong Martes, Pebrero 4.

Ayon kay Deedee Siytangco, tagapagsalita ni Suarez, biglang hinimatay ang pari habang nasa tennis tournament sa Alabang Country Club, Muntinlupa City.

Agad siyang isinugod sa Asian Hospital and Medical Center pero idineklarang dead on arrival pasado alas-3 ng hapon.


Ipagdiriwang pa sana ng healing priest ang kaniyang ika-53 na kaarawan ngayong Biyernes, Pebrero 7.

Naulila ni Fr. Suarez ang nanay niya at apat na kapatid.

Sa panayam ng ABS-CBN News noong Enero, sinabi ng pari na mahilig siyang maglaro ng tennis. Bunsod nito, inorganisa niya ang taunang torneyo na “Fr. Fernando Suarez Tennis Cup” na sinasalihan ng 15 bansa.

Nakilala si Fr. Suarez sanhi ng pagsasagawa ng healing mass sa loob at labas ng Pilipinas. Nagtayo din siya ng healing center at seminaryo sa mga sumusunod na lugar: Taal sa Batangas, Oslob sa Cebu, at Panabo sa Davao del Norte.

Bago pumasok sa Franciscan Order, nag-aral muna siya sa Adamson University.

Matatandaang pinagbawalan ang healing priest na magdaos ng healing mass sa Malaybalay, Bukidnon noong Oktubre 2019 dahil sa kawalan ng permiso.

Pinawalang-sala din ng Vatican si Fr. Suarez sa kaso ng sexual abuse sa ilang menor de edad.

Facebook Comments