Binata at Menor de Edad sa Cordon Isabela, Mahaharap sa Patung-patong na Kaso!

Cordon, Isabela – Mahaharap sa patung-patong na kaso ang isang binata at menor de edad sa Barangay Quirino, Cordon, Isabela matapos na inireklamong nagnakaw, nangmolestiya ng dalaga at gumagamit ng shabu.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay SPO3 Franklin Alvarez, tagasiyasat ng PNP Cordon na unang inireklamo si Dexter Gagno, bente anyos at residente ng Villa Pascua, Diffun, Quirino dahil sa pangmomolestiya niya umano sa isang service crew na kinilalang si Raquel Salvador sa mismong kwarto nito kamakilan kung saan ay tinutukan ng kutsilyo ang biktima habang ginagawa ang pagpaparaos sa kaniyang sarili.

Nakasama umano ni Dexter ang menor de edad na itinago sa pangalang Jojo, labing apat na taong gulang at residente ng Villagonzaga, Santiago City na siyang kumuha ng dalawang mamahaling unit ng cellphone ni Salvador habang abala si Dexter sa masagwang ginagawa sa harapan ng biktima.


Kaagad naman na nireklamo ng biktima ang dalawang suspek at sa pagresponde ng kapulisan ay naaresto sina Gagno at Jojo.

Sa isinagawang body search sa mga suspek ay nakuha sa kanila ang dalawang cellphones ng biktima, isang pakete ng shabu at aluminum foil mula naman sa bulsa ni Dexter Gagno.

Ang dalawang suspek ay nasa pag-iingat na ng PNP Cordon at inihahanda na ang kaso laban sa kanila.

Facebook Comments