Binata na Nakabangga ng Aso, Kritikal Matapos Barilin ng Tanod

Cauayan City, Isabela- Kritikal ang kalagayan ng isang binata matapos na barilin kagabi ng isang barangay Tanod sa Rizal, Roxas, Isabela.

Kinilala ang biktima na nasa isang ospital sa Lungsod ng Santiago na si Clifford Quitalig, 21 anyos, construction worker habang ang suspek ay kabarangay nito na nakilalang si Oscar Miranda Jr. 38 anyos, may-asawa, Tanod ng barangay Rizal sa naturang bayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Engelbert Bunaga, hepe ng PNP Roxas, habang bumabaybay sa harap ng bahay ng suspek ang biktima lulan ng motorsiklo ay nabangga nito ang isang papatawid na aso.


Agad na lumabas ang suspek at kinompronta ang biktima na nagresulta sa kanilang mainit na pagtatalo.

Nagalit ang suspek kaya’t kumuha ng di pa matukoy na uri ng baril at ipinutok ng isang beses sa dibdib ng biktima.

Tumakas ang suspek na pinaghahanap ngayon ng mga otoridad.

Ayon kay PMaj. Bunagan, posibleng pagmamay-ari ng suspek ang nabanggang aso ng biktima.

Inihahanda na rin ng pulisya ang kasong isasampa laban sa suspek at hinihintay na lamang na mailabas ang warrant of arrest nito.

Facebook Comments