BINATA, NAISALBA SA TANGKANG PAGPAPAKAMATAY

Cauayan City – Naisalba ng kapulisan ang isang binata sa tangkang pagpapakamatay sa Cabagan-Santa Maria Overflow Bridge sa Brgy. Casibarag Norte, Cabagan, Isabela.

Isang concerned citizen ang nakapansin sa kahina-hinalang galaw ng binata kaya tumawag siya sa kinauukulan at agad itong nirespondehan ng Santa Maria Police Station.

Agad na nagtungo sa lugar sina Police Senior Sergean Anton C. Guiterring at Pat Kerwin A. Allauigan ng Santa Maria Police Station.

Sa pamamagitan ng kanilang mahinahong pakikitungo at tamang crisis intervention, napigil nila ang binata sa kanyang plano at ligtas itong naibalik sa kanyang pamilya.

Ayon sa pulisya, ang maagap na pagtawag ng mamamayan ang naging susi upang agad nilang matugunan ang insidente.

Patuloy na hinihikayat ng Santa Maria Police Station ang publiko na maging alerto sa paligid at huwag mag-atubiling iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

Facebook Comments