Binata, Timbog sa Drug Buybust Operation!

Cauayan City, Isabela- Bagsak na sa kulungan ang isang binata na sangkot sa pagbebenta ng droga matapos maaresto sa Brgy. San Vicente, City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCol Virgilio Abellera Jr., hepe ng PNP Ilagan City, matagal nang minamanmanan ng kapulisan ang suspek na si Sam Mikhaele Reniedo, 27 anyos, binata at residente ng Brgy. Baculod, City of Ilagan, Isabela.

Ganap na alas 11:00 ng gabi noong Enero 11, 2020 nang ikasa ng mga otoridad ang Drug Buy Bust Operation laban kay Reniedo na nagresulta sa kanyang pagkakahuli.


Nakuha sa pag-iingat ni Reniedo ang isang (1) transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang (1) unit ng cellphone at P1000 na buybust money.

Isasailalim na ngayong araw sa inquest proceedings ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon pa sa hepe, patuloy pa rin ang isinasagawang monitoring sa kanilang nasasakupan upang mapigilan ang anumang transaksyon sa iligal na droga.

Facebook Comments