BANGKOK, THAILAND – Natagpuang patay sa harap ng computer niya ang isang binatang lulong umano sa paglalaro ng video games.
Kinilala ang namatay na si Piyawat Harikun, 17, residente ng Udon Thani sa hilagang Thailand.
Batay sa ulat ng Daily Mail UK, isang foreign news site, araw-gabi kung maglaro ng multiplayer battle games ang lalaking namayapa.
Pahayag ng magulang ni Piyawat, umabot na sa puntong dinadalhan nila ng pagkain sa kuwarto ang anak.
Dagdag pa nila, makailang beses sinaway at kinausap ang supling para huminto na sa paglalaro, subalit nabigo sila.
Nakita ng amang si Jaranwit na wala nang malay si Piyawat noong Nobyembre 4 ng umaga.
Kaagad siyang isinugod sa pagamutan pero binawian din ng buhay kinalaunan.
“I want my son’s death to be an example and warning for parents whose children are game addicts. They need to be more strict on their children’s playing hours otherwise they could end up like my son,” mensahe ng tatay ni Piyawat sa publiko.
Magugunitang idineklara ng World Health Organization (WHO) na mental health disorder ang gaming addiction noong Hunyo 2018.