BINATIKOS | P115,000 na permit fee sa mga magbebenta ng NFA rice, pinapatigil

Manila, Philippines – Binatikos ni Senator Win Gatchalian ang paniningil ng National Food Authority o NFA ng 115,000 pesos na permit fee sa mga nais magbenta ng NFA rice.

Giit ni Gatchalian, mali at hindi praktikal ang nabanggit na hakbang ng NFA lalo at hindi naman obligado ang sinuman o alinmang tindahan na magbenta ng NFA rice.

Pahayag ito ni Gatchalian, makaraang ibunyag ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association o Pagasa Inc. na naniningil ang NFA ng ₱115,000 para makabenta ng NFA rice ang mga retailers na may paid-up capital na P10 milyon.


Ayon kay Gatchalian, malinaw ang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na wala namang nakapaloob na permit fee sa memorandum of agreement na pinirmahan ng NFA at 200 pamilihan sa ibat-ibang panig ng bansa.

Diin ni Gatchalian, sa ginagawa ng NFA ay lalong wala ng magbebenta ng murang bigas na kailangang-kailangan ngayon ng mamamayan.

Facebook Comments