Binatilyo, nasaksak ng isda sa leeg

Needlefish sample photo.

WARNING: GRAPHIC CONTENT.

Himalang nabuhay ang isang binatilyo sa Indonesia matapos matuhog ng isda sa leeg.

Namimingwit ang 16-anyos na si Muhammad Idul, kasama ang kanyang pamilya sa Wakinamboro nang mangyari ang insidente noong Sabado, ayon sa ulat ng Makassar Terkin.


Inilapit umano ng biktima ang kanyang ulo sa tubig para tingnan ang dumaang grupo ng needlefish o balo nang tumalon ang isa sa mga isda at tumarak sa kanyang lalamunan ang matulis na nguso nito.

Nahulog pa sa tubig si Idul na masuwerte namang nakalangoy pa pabalik sa kanilang bangka.

Sa mga litratong kumakalat sa Facebook, makikitang tumagos ang isda sa leeg ng binata, mula sa ilalim ng baba hanggang sa batok.

Dinala si Idul sa ospital sa Sulawesi, ngunit inilipat din sa Wahidin Sudirohusodo Hospital sa Makassar City dahil kailangang sumailalim sa operasyon.

Tatlong surgeon at dalawang anesthesiologists ang nagtulong-tulong sa pagtanggal ng isda na inabot ng dalawang oras.

Maayos na raw ang lagay ng biktima ngunit patuloy pa ring binabantayan sa ospital upang maiwasan ang impeksyon.

Facebook Comments