Binatilyo, Patay ng Bumangga ang Sinasakyang Truck

45

Cauayan City, Isabela-Agad na binawian ng buhay ang isang 16-anyos na binatilyo makaraang sumalpok ang sinasakyan nitong Aluminum Wing Van sa nakaparadang trailer truck sa kahabaan ng Brgy. Malapat, Cordon, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Mark Sasis na residente ng Poblacion East, Rosario, La Union.


Sa imbestigasyon ng PNP Cordon, sakay ng forward truck na may plakang CAY 1078 ang biktima kasama ang isang Christian Bulan, 37-anyos, driver at residente naman ng Gumot, Rosario, La Union ng maganap ang aksidente.

Habang isa pang truck na may plakang BUA 3276 ay minamaneho naman ni Donnel James Casipong, 34-anyos, may-asawa at residente naman ng Bliss Village, City of Ilagan, Isabela.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng PNP, maayos naman na naiparada ni Casipong ang kanyang minamanehong trailer truck sa kanang bahagi ng kalsada at pagkatapos ay tinulungan nito ang kanyang kasamahan na minamaneho rin ang isa png truck dahil sa sirang clutch buster.

Naglagay naman umano ng hazard sign board sa likuran ang nasirang sasakyan subalit hindi napansin ng nagmamanehong Aluminum van na si Bulan ang nakaparadang sasakyan dahilan para mabangga nito ang likurang bahagi ng truck na nagresulta ng pagkaipit ng nasawing biktima.



Dahil sa insidente, nagtamo ng matinding sugat sa tiyan ang biktima na sanhi ng pagkamata nito batay sa pagsusuri ng doktor.


Kwento naman ni Bulan, nanlabo umano ang kanyang mata bago pa man ang insidente at hindi na namalayang nabangga na pala nito ang truck.

Naiuwi na ang bangkay ng biktima sa La Union matapos magkasundo sa nangyaring aksidente gayundin ay nagpaabot ng tulong pinansyal ang may-ari ng truck na nabangga ni Bulan.

Facebook Comments