Binawasang distansya sa public transportation, dapat pag-aralang mabuti

COURTESY: DOTr-MRT 3

Umapela si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na pag-aralan munang mabuti ang pagbabawas sa pinatutupad na distansya o physical distancing sa mga pampublikong transportasyon.

Giit ni Go, dapat patuloy na balansehin ng pamahalaan ang ginagawang pagsusumikap na mabuksan ang ekonomiya at ang patuloy na pagpapatupad ng mga kinakailangang health protocols para maiwasan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Go, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay hinihiling din na pag-aralan muna itong mabuti bago ipatupad.


Diin ni Go, ito ay dahil sa mataas pa rin ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Mensahe ito ni Go kasunod ng pahayag ng Department of Transportation na mula sa 1-meter na distansya ay papayagan na ang 0.75 meter na distansya sa mga pasahero.

Paalala ni Go sa Executive Department at sa mga ahensya ng gobyerno, huwag madaliin ang bawat hakbang at unahin palagi ang interes, kapakanan at buhay ng bawat Pilipino sa kanilang gagawing desisyon.

Facebook Comments