Bingi kinutya, sinubukang goyoin ng empleyado sa 7-Eleven Makati branch

7-Eleven - Madrigal Building, Makati City

Pang-iinsulto ang dinanas ng isang bingi na bumibili sa 7-Eleven sa Madrigal Building sa Makati City.

Sa Facebook nitong Huwebes, Setyembre 5, ibinahagi ni Jhana Evangelista ang naranasang pangungutya ng kanyang kapatid na si Tricia Evangelista, 25-anyos na product designer.

Ayon sa post, Setyembre 4 nang pumunta si Tricia sa 7-Eleven para bumili ng P50 na load.


Para ipaalam ang kailangan niya, itinipa niya sa cellphone ang “Globe card – 50 load” pero P500 halaga ng card ang iniaabot sa kanya ng kahera habang tumatawa.

Nang sumenyas si Tricia para linawin na P50 lang ang kailangan niya, humagalpak na sa tawa ang kahera na sinabayan na rin ng isa pang clerk.

Kahit hirap magsalita, tinanong ni Tricia ang dalawa ng “Bakit tawa tawa kayo?” pero patuloy pa rin ang mga ito sa halakhakan.

Sa galit, padabog na inilapag ng biktima ang P50 harap ng kahera, tinapon ang resibo, at saka lumabas sa 7-Eleven habang nangingilid ang luha.

Marahil hindi raw ito ang unang pagkakataon na nakaranas ng diskriminasyon si Tricia, ngunit ayon kay Jhana, “this incident absolutely made her defeated and helpless.”

Sa sumunod na post, sinabi ni Jhana na naresolba na ang insidente nang makipagkita ang kanilang nanay sa mga namamahala sa naturang 7-Eleven branch.

Sinuri na ang CCTV footage ng insidente at humingi na rin ng paumanhin ang pamunuan.

“We appreciate the time and effort from 7- Eleven Philippines to resolve this quickly,” saad sa post.

Facebook Comments