Manila, Philippines – Binigyang diin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na patuloy pa rin nilang ire-regulate ang fare structure sa tinatawag na Transport Network Companies o (TNC’s) sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada sa napaulat na pagbili ng ride-hailing company na Grab sa operasyon ng Uber Systems Incorporated sa Southeast Asia partikular sa Pilipinas.
Ayon pa kay Lizada na pagdating sa mga isyu ay katuwang din nila sa monitoring ang Philippine Competition Commission na may kahalintulad na mandato gaya ng sa LTFRB.
Aasahan rin aniya ng Regulatory Agency ang isusumiteng manipestasyon ng Uber Philippines upang resolbahin ang mga nakasampang reklamo o kaso sa ahensya laban sa naturang kumpanya.
Sa ngayon ay wala pang inihain na notipikasyon sa competition watchdog na PCC kaugnay ng acquisition deal ng Grab at Uber na kailangan pang isailalaim sa tatlumpung araw na Mandatory Review bago ito maging epektibo.
Una nang napaulat na makukumpleto na umano ang ‘Transition’ ng kasunduan sa April 8 at pagsapit naman ng April 9 ay hindi na pwedeng gamitin sa online booking ang Uber mobile application.
Batay sa auditing ng LTFRB, lumalabas na mayroong 59,020 units ng Grab at Uber na bumibiyahe sa Metro Manila – bukod dito, mayroon pang tatlong bagong kumpanya (Lag Go, Owto at Hype) na naka-pending ang Accreditation sa kanilang aplikasyon na makapag-operate bilang mga TNCs.