Dumating kahapon sa Clark Air Base, Mabalacat, Pampanga ang bagong C-295 transport plane ng Philippine Air Force.
Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson Col. Maynard Mariano, ito ang una sa tatlong C-295 aircraft na binili ng pamahalaan mula sa Airbus Defense and Space ng Spain.
Ang tatlong bagong transport planes ay bahagi ng Medium Lift Aircraft Acquisition Project na naisagawa batay na rin sa Republic Act Nr 9184 o Government Procurement Reform Act.
Sa paglapag ng unang C-295 plane sa Clark Air Base pasado alas-5:00 ng hapon kahapon, binigyan ito ng water-cannon salute habang patungo sa tarmac ng paliparan.
Sinabi ni Mariano, ang mga bagong eroplano ay gagamitin ng 220th Airlift Wing ng Air Mobility Command sa paghahatid ng mga tropa at kagamitan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.