Iminungkahi ni Binmaley Mayor Pedro Merrera III na pagtuunan na lamang ng kasalukuyang bise alkalde ang mga kinakaharap na kaso bilang sagot sa hamon nitong debate.
Sa isang panayam, sinabi ng alkalde na dapat humingi muna ng advice si Vice Mayor Rosario sa mga taong nasa tamang pag-iisip at may wastong kaalaman sa binabatong isyu at paratang sa kanya.
Dagdag ng alkalde, hindi rin ito nababahala sa paninira ni Vice Mayor Rosario dahil kung papatulan man ay may sapat itong ebidensya.
Matatandaan na nag-ugat ang hamon ng debate ni Vice Mayor Simplicio Rosario noon pang 2024 ngunit muling inungkat sa pagsisimula ng kampanya ngayong taon.
Saad ng bise alkalde na sa pagdedebate ay malalaman umano kung sino ang totoong “corrupt at sinungaling” at humihingi ng kasagutan sa mga alegasyon laban sa alkalde.
Samantala, iginiit naman online ni dating ABC President Jonas Rosario, na sa pamamagitan ng patas at malinaw na debate ay malalaman ang kakayahan ang bawat kandidato para sa asenso ng bayan.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pangangampanya ng dalawang panig sa bawat barangay at wala pang napagkakasunduan kung mayroong magaganap na debate. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨