Tuesday, January 27, 2026

BIR, ibinalik ang pag-iisyu ng LOA para sa tax audit

Inalis na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ipinataw na suspension sa pag-iisyu ng Letter of Authority (LOA) para sa tax audit.

Ayon kay Commissioner Charlie Mendoza sa pulong balitaan sa punong tanggapan ng BIR, ang pansamantalang pagtigil sa paggamit ng LOA ay nagbigay-daan upang repasuhin ang mga proseso sa audit at ipatupad ang mga mahahalagang reporma.

Kasama sa mga bagong patakaran, iisa na lamang ang LOA kada taxpayer bawat taxable year. Binuwag na rin ang hiwalay na VAT assessment at VAT audit na dating hawak ng audit task force ng ahensya.

Ipinakilala rin ng BIR ang “audit-the-auditor” program upang matiyak ang accountability ng mga revenue officer. Bukod dito, puwede na ngayong i-verify ng mga taxpayers ang lehitimasyon ng iniisyu na LOA sa pamamagitan ng BIR website gamit ang review chatbot.

Matatandaan na noong Nobyembre 2025, sinuspinde ng BIR ang pag-iisyu ng LOA matapos lumabas ang mga alegasyon na ito ay inaabuso at ginagamit umano upang mang-harass at makotongan ang mga negosyante.

Facebook Comments