BIR, iginiit na may hurisdiksyon sila sa pag-implementa ng closure order laban sa Megaworld

Iginiit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na may hurisdiksyon sila sa pagpapatupad ng closure order laban sa Megaworld Corporation.

Ito ay matapos hindi umano mag-comply sa audit ng BIR ang Megaworld sa mga nabentang ari-arian nito.

Ayon sa pahayag na inilabas ng BIR, ang dapat sana’y enforcement activity ng ahensya sa real estate company noong May 18 ay sinusuportahan ng Revenue Special Order na nilagdaan ng Commissioner of Internal Revenue.


Kabilang sa gagawing imbestigasyon ang pagbeberipika ng mga tax sa One-Time Transactions sa sale o transfer ng mga ari-arian ng Megaworld.

Paglilinaw ng BIR, bagama’t ang Megaworld ay kabilang sa hurisdiksyon ng Large Taxpayers Service, ang mga ari-ariang iniimbestigahan ng ahensya ay nasa Taguig City, kung kaya’t ito ay pasok sa hurisdiksyon ng BIR Regional Offices at hindi sa Large Taxpayers Service.

Idiniin ng BIR na hindi nag-comply at nagpasa ng mga requirement ang Megaworld sa ilalim ng Tax Code.

At ang hindi makapag-comply sa nasabing requirement ng BIR ay isang ground upang ipasara ang kompanya.

Ngunit nitong Miyerkules ay sumang-ayon ang Megaworld na mag-comply sa audit ng BIR kung kaya’t isinantabi muna ang closure activity at kasalukuyang gumugulong ang imbestigasyon ng BIR sa tax liabilities ng kompanya.

Facebook Comments