Birth certificate, hindi na kailangan para sa passport renewal

Manila, Philippines – Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi na kailangang magprisinta ng birth certificate para makapag-renew ng pasaporte.

Ayon kay DFA Secretary Teddy Locsin, sapat na ang lumang pasaporte ng aplikante para matiyak ang kanyang pagkakakilanlan.

Base sa department order no. 03-2019, ipapakita lamang ang birth certificate kung sila ay bagong aplikante, nawalan o nasira ang lumang passport, kung may papalitang impormasyon sa passport at mga aplikanteng nasa watchlist ng ahensya.

Nilinaw din ni Locsin na hindi tinangay ng dating contractor ang data ng passport holders subalit hindi rin ito mapasok.

Aniya, nagawan naman ng paraan ng kasalukuyang contractor na Apo Production Unit ngunit ang ilang data ay corrupted na.

Ipinauubaya na ng DFA sa Senado ang pagtuklas kung ano ang totoo.

Samantala, itinanggi ng Apo Production Unit na kumuha ito ng sub-contractor.

Paglilinaw ni Apo Production Unit Incorporated Chairperson Michael Dalumpines – hindi sub-contractor, kundi finance partner nito ang United Graphics Expression Corporation o UGEK.

Ang UGEK ang katuwang nila sa pagbili ng printer at materyales sa paggawa ng passport.

Facebook Comments