Muling ipinanawagan ni Vice President Leni Robredo ang pagdaragdag ng pondo para sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para matugunan ang mabagal na pagbabakuna sa bansa.
Ayon sa pangalawang pangulo, dahil sa limitasyon ng RITM ay nagiging mabagal din ang paglalabas ng certificate of analysis (CoA) na kailangan ng mga lokal na pamahalaan sa pagtanggap ng mga suplay ng COVID-19 vaccines.
“Maraming mga LGUs ngayon na wala na silang pang-first dose. Bakit gano’n? ang sabi nila, nade-delay ang CoA [certificate of analysis]. Agree tayo na kailangan yun to ensure na talagang maayos yung bakuna na ituturok natin pero sana dagdagan nila ng pondo para bumilis-bilis,” pahayag ni Robredo sa Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
“Ang pagka-intindi ko talaga, grabe talaga yung limitations ng RITM. Kahit pa ang sisipag ng mga tao dun, ang dami nilang ginagawa, kulang talaga sila. So, sana gawan ng paraan,” dagdag niya.
Kasabay nito, kinuwestiyon ni Robredo ang bilyun-bilyong ginagastos ng gobyerno sa pagbili ng face shields sa halip na unahin ang pagbili ng mga alternatibong gamot na mas kailangan ng mga pasyente gaya ng tocilizumab.
“Tayo lang yung bansa yata na nagfe-face shield. Ako masunurin ako, lagi akong naka-face shield pero hindi ko rin alam kung ano ba talaga yung tulong nito,” saad ni Robredo.
“Pero nanonood ako ng mga hearing sa Senate, grabe pala yung ginagastos natin dito, bilyun-bilyon… so, ito yung sinasabi natin na sana dahil limited yung funds sana yung mga pondo nagagamit sa mga pinakaimportanteng bagay, e yun nga napupunta pa sa korapsyon na nakakaapekto sa lahat,” giit niya.
Nauunawaan din aniya ng bise presidente na problema talaga ang global supply ng tocilizumab pero hindi sana lalala ang sitwasyon kung mas maagang nakapag-imbak nito ang gobyerno.
“Last year, ito rin yung sinasabi natin na sana yung after the first surge, mag-imbak na sana yung gobyerno ng suplay ng remdesivir at tocilizumab. Ang mas mahirap, yung tocilizumab, mas mahal pa. Yung mga naka-imbak nito, minamahalan,” aniya pa.
“Yung City of Manila, nag-imbak sila ng tocilizumab and in fact, ginawa nila itong accessible kahit hindi resident ng Manila. Ang hindi ko lang alam, kung bakit nagawa ito ng City of Manila tapos tayo kulang na kulang,” giit pa niya.
Kasabay nito, umapela rin si Robredo sa Department of Health (DOH) o sa Inter-Agency Task Force (IATF) na madaliin ang pag-assess sa mga alternatibong panggamot sa COVID-19.