
Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada ang pagpapalawig ng unemployment benefits sa ilalim ng Social Security System (SSS) para sa mga Pilipinong mawawalan ng trabaho.
Sa panukala, saklaw nito ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho dahil sa layoff, retrenchment, o pagsasara ng kumpanya. Kabilang din dito ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na mapipilitang umuwi ng bansa matapos maapektuhan ang kanilang trabaho dahil sa kaguluhan sa Middle East.
Sa Senate Bill No. 1070, isinusulong ang pagpapalawig ng unemployment benefits hanggang limang buwan, mula sa kasalukuyang dalawang buwan, na katumbas ng 50% ng average monthly salary credit ng miyembro.
Ang halaga ng tulong na matatanggap ng mga miyembro sa ilalim ng panukala ay ibabase sa bilang ng taon ng kanilang hulog sa SSS.
Paliwanag ni Estrada, ang panukalang cash aid ay hindi limos kundi isang anyo ng proteksyon laban sa gutom at kahirapan habang naghahanap ng bagong trabaho ang mga mawawalan ng hanapbuhay.










