Bishop emeritus Teodoro Bacani, umapila sa mga kasamahang obispo at publiko na manindigan na sa giyera kontra droga ng Duterte Administration
Manila, Philippines – Hinimok ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mga kasamahang obispo at publiko na manindigan at magsalita na para labanan ang mga nangyayaring extra judicial killings sa bansa.
Ayon kay Bacani, hindi dapat manahimik lamang ang publiko maging ang kanyang mga kasamahang obispo sa mga nangyayaring pang-aabuso sa kampanya ni Pangulong Duterte kontra sa iligal na droga.
Inihalimbawa ng obispo sa kalilibing lang na grade 11 student na si Kian Delos Santos na napaslang sa isinagawang police operation na isa lamang sa maraming insidente ng EJK kung saan iginiit ng Caloocan police na lehitimo ang kanilang operation at runner di umano sa iligal na droga ang menor edad na estudyante pero mariin namang itinanggi ng mga testigo ang mga akusasyon ng mga pulis.
Iginiit ni Bacani na malaki ang papel na ginagampanan ng Simbahang Katolika upang mahubog ang kamalayan ng taongbayan hinggil sa kahalagahan ng buhay ng tao na dapat pahalagahan ng Duterte Administration.
Umapila rin ang Bishop Emeritus sa Pambansang Pulisya na imbestigahan ang mga nangyayaring patayan na karamihan umano ang nasasangkot ay mga pulis na dapat ay sanang mangalaga sa seguridad ng mga inosenteng sibilyan.