BISTADO! | Bagong modus sa pagtutulak ng droga, nabisto ng QCPD

May bagong modus na ang mga nagtutulak ng droga para iwasan ang mainit na mata ng mga otoridad.

Ayon kay Police Chief Inspector Ramon Aquiatan ang hepe ng Station Drug Enforcement Unit ng Cubao Police Station, modus na ngayon ng mga drug pusher na mag-check in sa mga motel dahil sa pag-aakalang mas mahirap silang matunton ng mga otoridad.

Kasunod naman ito ng pagkakatimbog sa loob ng New York Hotel ang isa sa umano ay kilabot na drug pusher sa Agham Road Sitio San Roque Barangay Pag-asa Quezon City.


Hindi na nakapalag pa nang masukol sa loob mismo ng room number 11 ng nabanggit na motel sa Maya Arcade, EDSA Quezon City ang 29-anyos na si Gaddi Clores.

Sa loob na rin ng motel aniya, isa-isang nagdadatingan ang kanilang mga parokyano para bumili ng droga.

Mayroon pa umanong kasamahan si Clores na naka-check in din sa New York Apartelle pero nakalabas bago pa man dumating ang mga otoridad.

Bukod sa buy-bust money at digital weighing scale kabilang din sa nasamsam ng mga ototirdad kay Clores ang anim na medium sized at sampung small sized na plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Facebook Comments