Pinaikli ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang biyahe ng kanilang mga tren sa ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ito ay para bigyan ng pagkakataon ang mga kawani ng LRT line 1 at 2 na makapagdiwang ng Pasko at Bagong Taon.
Sa LRT line 1, alas 4:30 ng umaga magsisimula ang operasyon nito simula bukas, Disyembre 24-28 mula Baclaran patungong Roosevelt at pabalik.
Gayunman, alas 8:00 ng gabi ang huling biyahe ng mga tren nito sa Baclaran at Roosevelt bukas, Disyembre 24.
Sa araw ng Pasko, Disyembre 25, alas 9:35 ng gabi ang huling biyahe ng tren mula Baclaran hanggang Roosevelt habang alas 9:45 naman aalis ang tren mula Roosevelt patungong Baclaran.
Mula Disyembre 26-28 naman, eksaktong alas 10:00 ng gabi aalis ang mga tren mula Baclaran patungong Roosevelt habang alas 10:15 naman aalis ang tren mula Roosevelt patungong Baclaran.
Mapapaaga naman sa alas 8:00 ng gabi ang huling biyahe ng LRT line 2 mula Santolan hanggang Recto bukas, Disyembre 24 habang alas 8:30 naman ng gabi ang huling biyahe mula Recto patungong Santolan.
7:00 naman ng gabi ang huling biyahe ng LRT 2 sa Disyembre 31 mula Santolan patungong Recto habang 7:30 naman ng gabi ang huling biyahe ng tren mula Recto patungong Santolan.