Biyahe ng Public Transport sa Cagayan Valley, Limitado pa rin- LTFRB Region 2

Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 2 na nakapagbigay na ito ng humigit kumulang na 60 special permit para sa pamamasada ng mga pampublikong sasakyan gaya ng bus sa buong Cagayan Valley.

Ito ay batay sa naging panayam ng Philippine Information Agency (PIA) kay LTFRB Regional Director Edward Cabase.

Ayon kay Cabase, ilan sa mga nabigyan na nila ng special permit ay gaya sa ilang lugar sa Probinsya ng Cagayan, Santiago City, Jones, Cauayan City, San Mateo, City of Ilagan, Kayapa, N.V at iba pa.


Dagdag pa nito, hindi lahat ng nabigyan ng permit ay namamasada na dahil may mga ilang Local Government Unit (LGUs) aniya ang nagpalabas ng mga kautusan na kinakailangan pang sumailalim ng mga transport personnel sa ilang orientation seminar.

Giit pa ni Cabase, pinapayagan ang pagbiyahe ng ilang mga public transport na bumiyahe subalit sa bisinidad lamang ng buong rehiyon at mahigpit pa rin pagbabawal sa inter-provinces na pagbiyahe upang makasiguro na hindi na kakalat ang virus.

Pinaalalahanan naman ni Cabase ang mga driver-operator ng mga pampublikong sasakyan na huwag samantalahin ang pagbiyahe ng walang naibibigay na approval permit dahil may ilan aniya na nagpapakita ng ‘application permit’ na ibig sabihin ay wala pang bisa o pagpayag mula sa ahensya na magbiyahe.

Kinakailangan na nasa 50% lang ang mga pasaherong sakay ng mga pampublikong sasakyan subalit hindi ibig sabihin aniya ay hinihikayat na ang publiko sa pagsakay dahil importante pa rin ang masiguro ang kaligtasan ng lahat laban sa nakamamatay na sakit.

Facebook Comments