Biyahe ng publiko ngayong Semana Santa, gusto ng pangulo na maging komportable

Maagang nakapaghanda ang gobyerno kaugnay ng nalalapit na panahon ng Semana Santa.

Sa isang panayam kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Bataan, inihayag nitong dinagdagan lamang nila ang mga paghahanda dahil sa nararanasang mainit na panahon.

Sa kabila kasi aniya ng mainit talaga ang panahon tuwing Semana Santa, kailangan pa ring matiyak na komportable ang publiko sa kanilang pagbiyahe.


Nais ng presidente na maging mabilis ang biyahe ng publiko patungo sa iba’t ibang probinsiya ngayong panahon ng Mahal na Araw at maiwasang maipit sila sa mga abala at iba pang problema.

Kahapon ay naglabas na ng kautusan ang Malacañang na gawing hanggang alas-12:00 na lamang ng tanghali ang pasok ng mga kawani ng gobyerno sa Miyerkules Santo, April 5 para mabigyan ng sapat na panahon ang mga ito na makabiyahe nang maaga sa iba’t ibang lalawigan.

Una na ring idineklara ng Palasyo na regular holidays ang April 6 at 7 habang inilipat din sa April 10, araw ng Lunes ang Araw ng Kagitingan para may panahon pang makapagpahinga at makapagnilay-nilay sa panahon ng Semana Santa.

Facebook Comments