BJMP Cauayan, Ininspeksyon!

Cauayan City, Isabela –Ininspeksyon ngayong araw, Disyembre 7, 2017, ng magkasanib na pwersa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region 2 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 ang pasilibidad at mga residente ng BJMP Cauayan.

Sa mismong pagtutok ng RMN Cauayan News Team ay ibinahagi ni Cauayan City Jail Warden Chief Inspector Romeo Villante Jr na ang isinagawang inspeksyon ay programa ng BJMP na tinatawag na OPLAN Greyhound.

Ang pangunahing layunin ng programa ay makasiguro na ang bawat piitan na hinahawakan ng BJMP ay negatibo sa anumang kontrabando lalo na ang droga.


Ayon pa kay Warden Villante, ang kanilang hanay ay nakipag-ugnayan sa PDEA para sa pagpapatupad ng mandato ng Presidente na iwasang magkaroon ng bentahan ng droga sa loob ng mga piitan.

Kasama ang mga kasapi ng PDEA Region 2, pinangunahan ni Inspector Aldrin Coma ng BJMP Region 2 ang ginawang inspection.

Pagkatapos palabasin sa kani-kanilang selda ay isa-isang kinapkapan at sinuring mabuti ang mga gamit at tulugan ng mga inmates.

Kasama rin sa ginawang inspeksyon ay ang PDEA K9 dog na si Russel. Isang Jack Russel Terrier na tumulong upang makumpirma na negatibo nga sa ipinagbabawal na droga ang bawat silid at gamit ng mga inmates.

Sa kasalukuyan nasa 240 ang eksaktong bilang ng mga nakapiit sa BJMP Cauayan na aktibo sa kanilang mga livelihood projects.

Ngayong kapaskuhan ay gumagawaang mga ito ng mga Christmas decorations mula sa mga lumang gulong na kanila namang pinagkakakitaan.

Ikinatuwa ni Chief Inspector Villante Jr na matapos ang inspeksyon ay negatibo ang BJMP Cauayan sa ipinagbabawal na droga.

Bagamat maraming prosesong kinakailangang pagdaanan, kanya umanong sisikapin na mapabilang at tuluyang maideklarang drug-free facility ang Cauayan City District Jail.



Facebook Comments