Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Jail Chief Inspector Atty. Bonifacio Guiterring, District Jail Warden ng BJMP Cauayan, nagsumite na aniya ito ng request for approval sa BJMP Region para payagan nang makabisita ng personal ang mga nais dumalaw sa naturang bilangguan.
Kasabay na rin ito ng pagbaba ng Status ng Isabela sa Alert Level 1 na magsisimula bukas, unang araw ng Marso hanggang March 15.
Sa kasalukuyan ay ang E-dalaw system at E-Tawag pa rin ang ipinatutupad ng BJMP Cauayan sa pamilya o kaanak na gustong makausap o makita ang kanilang mahal sa buhay na nananatili sa loob ng kulungan sa pamamagitan ng video call at chat.
Ang pagbabawal ng BJMP Cauayan sa mga personal na bumibisita ay isa nila itong hakbang para maiwasan ang posibleng pagkalat ng coronavirus at ng maprotektahan din ang kalusugan ng mga PDL ganun din sa mga tauhan ng City District Jail na nagbabantay sa loob ng kulungan.
Simula kasi noong magkapandemya hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naitala ang BJMP Cauayan na kaso ng covid-19.
Samantala, ibinahagi ng Jail Warden na maayos pa rin ang kalagayan ng mga nakakulong sa nasabing piitan at karamihan sa mga PDL ay fully vaccinated na kontra Covid-19.