Iimbestigahan din Bureau of Jail Management and Penology ang apat nilang tauhan na nagsilbing bantay nang itumba ang inieskortang kidnap for ransom suspect na si Joshi Tarun sa Calamba, Laguna.
Ayon kay Major Xavier Solda, hepe ng public information office ng BJMP, aalamin nila kung nagkaroon ng security lapse sa panig ng kanilang mga tauhan.
Ineeskortan ito ng mga tauhan ng BJMP upang ilipat ng kulungan nang harangin ng limang lalaki na kapwa nakasuot ng bonnet sa ulo pagsapit nila sa bucal bypass road.
Ayon pa kay Solda, hindi naman nila sinaktan ang mga jailguards.
Dinisarmahan at itinali muna ang apat na BJMP escort bago puwersahang tinangay ng mga suspek si Tarun gamit ang tinangay nilang sasakyan.
Gayunman, pagsapit sa Brgy. La Mesa ng nasabing lungsod ay piniringan si Tarun ng mga suspek saka iginapos at pinagbabaril.
Pero, ayon kay Solda, isolated case ang insidente.
Pag-aaralan nila ang gagawing precautionary measure para hindi maulit ang pangyayari.