Blacklisting ng mga fraternity na sangkot sa hazing, iminungkahi ng isang senador

Inirekomenda ni Senator JV Ejercito ang pagpapa-blacklist sa mga fraternity na nasasangkot sa hazing.

Kaugnay na rin ito sa panibagong kaso ng pagkamatay dahil sa hazing ng isang Adamson University student na si John Matthew Salilig na miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity.

Kinukondena ni Ejercito ang nasabing insidente na hindi na dapat nangyayari ngayon dahil mayroon namang batas na Anti-Hazing Law.


Kinikilala ni Ejercito na hindi lahat ng fraternities ay may hazing dahil ang ilan naman ay totoong brotherhood o kapatiran ang samahan.

Sinabi ng senador na kung ang fraternity ay sangkot na sa karahasan tulad ng hazing ay marapat lamang ito na i-blacklist ng mga paaralan at huwag bigyan ng recognition.

Aminado ang mambabatas na magiging malaking hamon ang blacklisting ng mga fraternities lalo’t karamihan ng mga nasa gobyerno ay miyembro ng frat.

Magkagayunman, naniniwala si Ejercito na hindi ito kukunsintihin ng mga taga-gobyerno dahil ang buhay ay maituturing na ‘precious’ at ‘priceless.’

Facebook Comments