Blas Ople Policy Center, nag-alok ng tulong sa kasambahay na minaltrato ni Ambassador Mauro

Nakahanda ang Blas F. Ople Policy Center na magbigay ng tulong sa kasambahay na minaltrato ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro.

Nakikipagtulungan na ang naturang Non-Governmental Organization (NGO) sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para tuntunin ang hindi pa pinapangalanang domestic worker.

Sinabi ni dating Labor Usec. Susan Toots Ople na magbibigay ang kanilang tanggapan ng libreng abogado at tulong pangkabuhayan sa minaltratong kasambahay.


Maaari ding makipag-ugnayan sa kanila ang mga kamag-anak ng biktima sa pamamagitan ng kanyang Facebook account na Susan Ople o kaya ay tumawag sa 09618114288 para makausap ang handler na si Jenny Suspene.

Ang Blas F. Ople Policy Center din ang tumulong sa isang domestic worker sa Kuwait na biktima ng sexual harassment ng Ambassador doon.

Nangangamba si dating Usec. Ople na mas marami pang ganitong uri ng pang-aabuso mula sa kamay ng mga kinatawan ng pamahalaan sa mga konsulado at embahada ng bansa.

Umapela siya sa mga biktima na huwag matakot na lumantad dahil handa naman ang kanilang tanggapan na magbigay ng tulong sa mga ito.

Facebook Comments