Blue Ribbon Committee, magdedesisyon kung pipilitin na paharapin si ES Vic Rodriguez sa mga susunod na pagdinig kaugnay sa iligal na Sugar Importation Order

Magdedesisyon muna ang buong Senate Blue Ribbon Committee kung pipilitin si Executive Secretary (ES) Victor “Vic” Rodriguez na paharapin sa mga susunod na pagdinig tungkol sa iligal na Sugar Importation Order.

Bukas idaraos ang ikatlong beses na pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa hindi otorisadong Sugar Order No. 4 (SO4) kung saan may paunang abiso na si Rodriguez na hindi siya makadadalo bunsod ng pagiging abala sa state visits ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Senator Francis Tolentino, Chairman ng nasabing komite, pag-uusapan nila sa pagdinig bukas kung oobligahin pang paharapin sa imbestigsayon si Rodriguez sa tinaguriang ‘sugar fiasco’.


Sinabi ni Tolentino na importanteng dumalo muli si Rodriguez upang magkaroon ng linaw sa unang testimonya nito sa SO4 gayundin ang mga sinabi sa pagdinig nina suspended Agriculture Usec. Leocadio Sebastian at dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica.

Punto pa ni Tolentino, bilang abogado ay kailangang makapagpaliwanag si Rodriguez at mahalagang maipakita ang pagrespeto ng ehekutibo sa lehislatura bilang co-equal branch.

Facebook Comments