Dumipensa ang Bureau of Customs (BOC) sa mga lumabas na ulat noong isang linggo na ginagamit umano ng dalawang opisyal ng ahensiya ang isang relihiyosong grupo at ang pangalan ng lider nito upang manatili sila sa kanilang mga puwesto.
Sa pahayag ni Atty. Vincent Maronilla, BOC Spokesperson, patuloy na nakatutok ang ahensiya sa tungkulin nito na makatulong sa pagbangon ng bansa dahil sa negatibong epekto ng pandemya ng COVID-19 sa nakaraang dalawang taon at kahit minsan ay hindi rin totoo na nakialam sa trabaho ng Aduana ang naturang religious group.
Bukod dito, kinikilala rin ng liderato ng BOC sa pangunguna ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang malaking ambag nina Atty. Vener Baquiran, Deputy Commissioner for Revenue Collection and Monitoring Group at Atty. Teddy Raval na Deputy Commissioner for Enforcement.
Bilang hepe ng Revenue Collection and Monitoring Group, si Baquiran ang nakatalaga sa monitoring ng pumapasok na buwis sa kaban ng Aduana at responsable sa pagsasampa ng mga kaso ng smuggling sa Department of Justice (DOJ).
Simula pa noong June 2021 hanggang ngayon May 2022, tuloy-tuloy ang ‘surplus tax collection’ ng Aduana kung saan noong nakaraang taon ay nakakolekta ng P645.8 bilyon ang BOC na lampas ng P29 bilyon sa target nitong P616.8 bilyon.
Mula naman January hanggang May 2022, naabot na ng BOC ang higit 47% kabuuang collection target nito ngayong taon na ₱679.23 bilyon dahil sa patuloy na surplus tax collection ng ahensiya sa pagpasok ng taon kung saan sa buwan ng Mayo, nagrehistro ng sobrang koleksyon na higit ₱11 bilyon ang BOC.
Patuloy ring tinutukan ng tanggapan ni Baquiran ang higit 200 kaso ng smuggling na naisampa ng BOC sa DOJ bilang pagsunod sa utos ng Malacañang at ni Commissioner Guerrero na huwag tantanan ang kampanya laban dito.
Sa panig naman ni Raval, bukod sa superbisyon sa Customs Police (Enforcement and Security Service, ESS), sa kanyang panahon din bilang hepe ng EG naging isang reyalidad ang ‘BOC Water Patrol Division’ na pinasinayaan pa ni Commissioner Guerrero at Finance Secretary Carlos Dominguez noong nakaraang Pebrero.
Ang tanggapan din ni Raval ang namamahala sa pagpapatupad ng ‘Fuel Marking Program’ (FMP) ng gobyerno kung saan noong 2021, higit ₱60 bilyon ang nakolektang dagdag na buwis ng BOC dahil sa nabanggit na programa.
Sa bukod namang pahayag, tinawag namang “malisyoso” at “walang kahit isang bahid na katotohanan” ng dalawang opisyal ang nasabing akusasyon.
Umapela rin ang dalawang opisyal ng Aduana sa mga miyembro ng media na maging maingat sa kanilang pagbabalita at kuhanin ang lahat ng panig upang maging balanse ang inilalabas na mga ulat.