Mas lalo pa hinigpitan ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbabantay sa border control ng bansa.
Ito’y sa pamamagitan ng karagdagang 20 units ng Fast Patrol Vessels (FPVs) na ipinakalat ng BOC.
Ayon kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, pahuhusayin ng patrol vessels ang kakayahan ng BOC sa water patrol at border control monitoring ng ahensya.
Mula Enero hanggang Setyembre 2022, ang Enforcement and Security Service-Water Patrol Division (WPD) at mga district office ng BOC ay nagsagawa ng 265 maritime patrol, 60 search and survey operations, at sumakay sa 50 vessels of interest kung saan dalawa dito ay inisyu ng Warrants of Seizure and Detention (WSD).
Sa kasalukuyan, ang BOC ay mayroong 20 units ng Fast Patrol Vessels na naka-deploy sa Port of Batangas, Port of Subic, Port of Limay, Port of Cebu, Port of Cagayan de Oro, at Port of Davao, Port of Iloilo, Port of Manila, at sa Port of Zamboanga.
Nangako naman si Ruiz na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy na pagsisikapan ng BOC na protektahan ang mga border ng bansa laban sa pagpasok ng mga iligal na produkto sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan sa pagbabantay at pagsubaybay sa mga pantalan.