Nagbabala sa publiko ang Bureau of Customs (BOC) laban sa “love scam” matapos tumaas ang bilang ng mga nabibiktima nito sa gitna ng quarantine period.
Ayon kay Customs Assistant Commissioner Vincent Maronilla, nakapagtala sila ng higit 100 kaso ng love scam sa loob ng tatlong buwan mula nang ipatupad ang lockdown.
Sa ilalim ng love scam, tinatarget ng mga kriminal ang social media accounts at magsasagawa sila ng background check sa tao sa mga aktibidad nito.
Kapag nakuha ng mga suspek ang loob ng kanilang mabibiktima, mangangako sila na padadalhan nila ito ng expensive package o kaya naman ay parcel na may malaking halaga ng pera.
Pero sasabihin din nila na naipit ang package sa BOC at ang biktima ay kailangang bayaran ang buwis para makuha ito.
Sa isang kasong hinahawakan ng BOC, sinabi ni Maronilla na aabot sa ₱100,000 ang nawala sa biktima at naibigay ito sa mga kriminal.
Nagpaalala ang BOC sa publiko na ang pagbabayad ng buwis ay maaari lamang gawin sa mga accredited na bangko at Customs’ cashiers at hindi sa pamamagitan ng remittance centers.