Suportado ng ilang senador ang nakatakdang pag-iisyu ng executive order ni Pangulong Bongbong Marcos para gawing boluntaryo o optional na lang ang pagsusuot ng face mask sa indoor areas.
Magkagayunman, umapela si Senate Committee on Health and Demography Chairman Senator Christopher “Bong” Go na hangga’t maaari ay magsuot pa rin ng face mask ang publiko.
Ayon kay Go, welcome naman ang pagluluwag sa pagsusuot ng face mask basta’t mayroong itinakdang malinaw at specific guidelines na titiyak para ligtas pa rin laban sa COVID-19 ang mga Pilipino.
Apela pa ng senador, hindi dapat magpaka-kumpyansa at kung hindi naman mahirap o sagabal ay magsuot pa rin ng mask dahil ito ay dagdag proteksyon para maiwasan ang sakit.
Kinatigan din ni Senator Grace Poe ang hakbang na luwagan ang pagsusuot ng face mask at naniniwala siyang magiging daan ito para mas mapalakas ang turismo sa bansa na magdadala naman ng trabaho sa ating mga kababayan.
Dagdag pa ni Poe, mismong ang World Health Organization (WHO) na rin ang nagsabi na nakikita na ang malapit na pagwawakas ng pandemya.
Kapwa naman hinimok nila Go at Poe ang publiko na patuloy na sumunod sa health protocols.
Samantala, sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat nang matuto ang mga Pilipino na mamuhay na naririyan ang COVID-19.