Boluntaryong pagsusuot ng face mask sa trabaho, welcome sa ECOP

Welcome sa grupo ng mga employers ang hakbang ng Department of Labor and Employment (DOLE) na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa trabaho.

Ayon kay Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis Jr., bagama’t nandyan pa rin ang banta ng COVID-19 ay marami namang paraan ng pag-iingat na pwedeng gawin ang mga empleyado.

Pero dahil boluntaryo, desisyon pa rin aniya ng mga kompanya kung gagawin pa rin nilang mandatory o optional na lang ang pagsusuot ng face mask.


“Hindi naman sinasabi na bawal mag-mask e, voluntary lang. At yung mga opisina naman, e pwede namang mag-mandate na mag-wear ng mask kung sa palagay nila yung opisina nila ay hindi ga’nong kalaki, yung social distancing hindi masyadong masusunod or yung [air] conditioning system hindi ayos, allowed naman yun,” pahayag ni Ortiz-Luis sa interview ng RMN DZXL 558.

“Talagang there are some dangers din pero sa totoo lang naman, marami pa yata yung may flu saka may dengue kesa sa may ano [COVID] ngayon. We have to really live with it. Hindi naman pupwede na forever tayong naka-ano diyan. Pwede ka namang mag-ingat, even if the others are not wearing mask,” dagdag niya.

Nitong Miyerkules nang lagdaan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang Labor Advisory No. 22 alinsunod sa Executive Order No. 7 ni Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa boluntaryong pagsusuot ng face mask.

Samantala, ilang mall tulad ng SM, Robinsons at Ayala Malls ang nagpatupad ng optional na pagsusuot ng face mask pero hinihikayat pa rin ang mga frontline worker na magsuot nito.

Facebook Comments