Bombing attack sa Mindanao State University, kinukundena ng mga senador

Mariing kinukundena ng mga senador ang bombing attack sa gitna ng isinagawang misa sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) kung saan apat ang nasawi habang 43 ang sugatan.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nakakagalit at nakapanlulumo ang naturang bombing incident at maituturing na walang puso ang gumawa nito dahil ang pagatake ay ginawa sa gitna ng misa kung saan nagtipon-tipon ang maraming inosenteng kababayan.

Nakikiisa si Zubiri sa panawagan ng mga pamilya ng mga biktima na magtulungan ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at ang Bangsamoro Autonomous government na maibigay kaagad ang hustisya sa kanilang mga mahal sa buhay at agad na ibalik ang kapayapaan na anim na taon ding pinaghirapang ibalik sa Marawi.


Nababahala naman si Senate Majority Leader Joel Villanueva dahil ang pagatake ay ginawa sa paaralan na dapat ay lugar na ligtas para sa mga estudyante, mga guro at komunidad.

Umapela rin si Villanueva sa mga otoridad at sa gobyerno ng Bangsamoro para sa agarang pagkakasa ng imbestigasyon at pagbibigay hustisya sa mga biktima.

Pinatitiyak naman ni Senator Sherwin Gatchalian sa ating mga law enforcers ang masusing imbestigasyon sa pagatake at mapanagot sa batas sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng krimen.

Bukod sa pagkundena sa bombing incident ay pinasisiguro ni Senator Imee Marcos sa mga otoridad na hindi na dapat maulit ang Marawi siege at huwag hayaan na magpatuloy ang kawalang katarungan sa Mindanao.

Facebook Comments