Muling nanawagan si Senate Committee on Health and Demography Chair Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na tumutulong sa locally stranded individuals na hindi lamang ang pagkakaloob ng lahat ng maaring ibigay na ayuda para makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan ang mga ito kundi tiyakin rin na hindi sila ang maging sanhi ng lalo pang pagkalat ng COVID-19 disease.
“Sinabi ko naman noon pa na huwag pabayaan ang ating mga kababayan na kinakailangang umuwi sa probinsya. Tulungan natin silang makauwi pero bigyan natin sila ng maayos na sistema para hindi sila magkasakit at hindi sila nakaabang lang sa mga transportation terminals,” wika ni Go, iginiit pa nito “social distancing and wearing of masks must be practiced at all times.”
“Kawawa ang mga tao. Kaysa nakakalat sa sidewalk habang naghihintay ng masasakyan, dapat asikasuhin sila ng national government agencies. Alagaan natin sila, bigyan ng pagkain, maayos na masisilungan, at huwag hayaang magkumpol-kumpol para rin maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit,” dagdag pa niya.
Ayon kay Go, dapat na tumalima ang concerned agencies sa sistema na compliant sa health and safety protocols sa pagpapatupad ng Hatid Tulong initiative ng gobyerno.
“Unahin natin palagi ang kapakanan at buhay ng mga Pilipino. Huwag ninyo po hayaan na sa kagustuhan nating matulungan silang makauwi sa probinsya ay hindi na nasusunod ang mga patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit,” giit ni Go.
“Nasa gitna pa po tayo ng pandemya. Magtulungan tayo para hindi mas mahirapan ang taumbayan. Tulungan natin ang mga naghahanap ng paraang makauwi sa paraan na hindi sila mailalagay sa alanganin. Huwag ninyong pabayaan,” dagdag pa nito.
Para magarantiyahan ang ligtas na pagbiyahe ng tao ay hinimok ni Go ang implementers ng Hatid Tulong initiative na sundin ang single dispatch system na kahalintulad sa sinuspending Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) Program.
Noong Hunyo ay pansamantalang sinuspendi ng pamahalaan ang
BP2 program para pagtuunan ng pansin ang resources para tulungan ang stranded citizens sa Metro Manila at iba pang rehiyon.
Ang hatid tulong naman ay isa pang uri ng inisyatiba
ng ehekutibo para tulungan ang mga indibiduwal, tourists, students at overseas workers na na-istranded locally na makauwi sa kanilang mga hometowns.
Ito ay joint effort ng various executive agencies, tulad ng Department of Transportation at kanikang attached agencies kabilang na ang Philippine Coast Guard, Department of Tourism, Department of Interior and Local Government, Department of National Defense, Department of Agriculture, Department of Health, Presidential Management Staff, Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, Philippine National Police, at iba pang concerned agencies, sa koordinasyon ng League of Municipalities of the Philippines.
At para mapigilan ang pagkalat ng virus, lahat ng beneficiaries na gustong umuwi sa kanilang probinsiya ay sasailalim sa rapid COVID-19 testing na isinasagawa ng DOH representatives mula sa kanilang place of origin at kailangang sumunod sa quarantine procedures kapag sila ay makarating na sa kanilang mga lalawigan.
“Nais ko ipaalala sa lahat na hindi natin pwedeng ipagkait ang karapatan ng mga Pilipino na makauwi sa sarili nilang bayan. This is why I am urging the government na unahin nila ang health protocols na dapat ligtas po ang lahat ng bumibiyahe, at willing at handa po ang mga LGUs na tanggapin sila,” paliwanag ni Go.
Inulit din ng senador ang naunang pahayag ni Pangulong Duterte na dapat ay handa ang mga LGU na tanggapin ang uuwing mga residente at tiyakin na sila at aasistehan sa kanilang pagdating sa lalawigan.
“Sabi rin mismo ni Pangulong Duterte, ‘mga Pilipino ito, mga kababayan natin. Tanggapin ninyo. Whatever you need, we will provide. Kawawa naman. Tulungan ninyo ang mga Pilipino’,” sabi ni Go.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ay dati nang hiniling ni Go sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na bawasan ang proseso sa pagbiyahe ng beneficiaries, magpatupad ng strict health and safety protocols, at tigilan ang unauthorized o unsanctioned travel initiatives.
“Gawin lang po ito sa ligtas at tamang paraan. Sundin palagi ang health and safety protocols, at siguraduhin na maprotektahan ang mga komunidad na kanilang uuwian,” pagtatapos nito.