
Inaasahang magiging sentro ng susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at dating Speaker Martin Romualdez tungkol sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Lacson, marami pang dapat na ipaliwanag si Bonoan partikular ang naisumite kay Pangulong Bongbong Marcos na mali-maling grid coordinates ng flood control projects.
Sinabi ni Lacson na dahil nandito sa bansa si Bonoan ay samantalahin na ang pagkakataon na linawin nito ang mga isyung ipinupukol sa kanya lalo’t mahigit 86% ng mga proyekto ang may maling grid coordinates.
Samantala, posibleng maungkat naman ang pagbili ni Romualdez ng property sa 30 Tamarind Road South Forbes Park, Makati City kung saan sangkot ang contractor na si Curlee Discaya.
Iimbitahan muli si Romualdez o kaya ay isang kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC) at ang umano’y totoong nakabili ng bahay na Golden Pheasant Holdings Corp. at ang pangunahing stockholder na si Jose Raulito Paras.
Si Paras naman ay sinasabing humawak ng matataas na posisyon sa hindi bababa sa tatlong kumpanyang konektado kay dating Speaker Romualdez.










