Nilinaw ng lokal na pamahalaan na Cebu City na dadaan pa sa ebalwasyon ang mga empleyadong makakatanggap ng P20,000 na fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Cebu City Acting Mayor Michael Rama na layon ng kaniyang panukala na mapataas ang vaccination rate sa lungsod at para maabot ang herd immunity.
Aniya, dapat magsilbing halimbawa ang mga kawani ng city hall sa publiko sa pagpapabakuna lalo na’t mayroon nang supply.
Sinabi rin ni rama na pinag-aaralan nila na mabigyan din ng bonus ang mga job order o mga hindi pa regular na empleyado na bakunado na.
Tiniyak din ni Rama na maglalagay na rin sila ng vaccination site sa mismong city hall para hindi na makatanggi pa ang iba na magpabakuna.
Maliban dito, magbibigay rin aniya ang lungsod ng mga incentive program tulad ng house and lot, kotse, motorsiklo at iba pa para hikayatin pa ang mas marami na magpakabuna.