Booster shot at Special Risk Allowance sa mga guro, iginiit ng isang kongresista

Umaapela si House Deputy Minority Leader Stella Quimbo sa pamahalaan na isama ang mga guro sa prayoridad na mabigyan ng COVID-19 booster shot at Special Risk Allowance (SRA).

Sa privilege speech ni Quimbo sa plenaryo ng Kamara, sinabi nito na naghain siya ng resolusyon hinggil sa dalawang nabanggit na pangangailangan ng mga guro na sumasabak sa face-to-face classes.

Sa House Resolution 2410 ay hinihiling nito sa Department of Education (DepEd) na bigyan ng SRA ang mga guro na magpa-participate sa face-to-face classes at isama ang mga teachers sa uunahing mabigyan ng booster shots.


Dahil sa pagbabalik-eskwela, ang mga guro aniya ngayon ay nahaharap sa mataas na banta na matamaan ng COVID-19.

Ipinupunto ng kongresista na ang booster shot ay magbibigay ng “extra layer” o dagdag na proteksyon para sa mga guro at ang SRA naman ay magagamit para sila ay makabili ng mga personal protective equipment (PPE) at may panggastos sakaling sila ay magkasakit.

Paalala ni Quimbo, wala pa man ang pandemya ay marami nang hamon na kinakaharap ang mga guro na mas pinatindi pa ng krisis-pangkalusugan.

Facebook Comments