Umarangkada na ngayong araw ang booster shot drive thru vaccination para sa mga 4-wheel vehicles sa Quirino Grandstand.
Kaugnay nito, umabot na ang pila ng mga sasakyan sa kanto ng Katigbak Drive at Roxas Blvd. kung saan alas-10:00 ng gabi pa lamang ay may mga pumila na dito.
Lahat ng mga nais magpaturok ng booster shots ay pinapayagan ng lokal na pamahalaan ng Maynila kahit pa hindi residente sa lungsod.
Pero hinihimok ng Manila Health Department at ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDDRMO) ang magpapabakuna ng booster shots na kung maaari ay magparehistro sa Manila COVAX upang maging mabilis ang proseso at makakuha ng QR Code.
Paraan din ito para makakuha ng datos ang lokal na pamahalaan at malaman rin kung ilan ang bilang ng mga nababakunahan.
Bukod sa A1 hanggang A5 category, pinapayagan rin na maturukan ang mga menor de edad basta nasa tatlong buwan na ang nakakalipas ng matanggap nila ang kanilang second dose.
Nasa 300 sasakyan o katumbas ng 1,500 indibdwal ang matuturukan ng booster shots at ang mga hindi mababakunahan ay bibigyan na lamang ng priority number para sa kanilang pagbabalik kinabukasan.
Apat na lanes ang inilaaan ng Manila Local Government Unit kung saan bawat lane ay may naka-assign na bakunang ituturok habang ang isang lane naman ay para sa mga nais sumalang sa libreng RT-PCR test.