Inihahayag ng Department of Health (DOH) na hindi pa nila inirerekomenda sa publiko sa ngayon ang “booster shot” laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, pinag-aaralan pa rin ng mga eksperto ang booster shot o ikatlong dose ng bakuna para sa COVID-19.
Paliwanag pa ni Vergeire, sa kasalukuyan umano ay wala pa aniyang sapat na ebidensya na kailangan ang booster shot matapos ang dalawang dose ng COVID-19 vaccine.
Dagdag pa ng opisyal na pinakamaganda umano ay hintayin ang lahat ng mga ebidensya bago gumawa ng kaukulang hakbang dahil sa kasalukuyan ay hindi pa maisusulong ng DOH ang paggamit ng booster shot.
Giit pa ni Vergeire, hindi umano maikakaila ng publiko na hindi pa sapat ang supply ng COVID-19 vaccines at hindi pa rin nabibigyan ng bakuna ang buong populasyon sa Pilipinas.
Pinawi ni Vergeire ang pangamba ng publiko kasabay ng paglilinaw na basta’t ang bakuna umano ay mayroong Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA) ay epektibo at ligtas ang lahat ng mga bakuna na maiturok sa mga tao.