Isasagawa na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagbabakuna ng booster shot sa mga indibidwal na kabilang sa A1 hanggang A3 priority group ngayong araw.
Ito’y matapos makakuha ng sapat na suplay ng bakuna ang Manila Health Department (MHD) mula sa pamahalaan.
Ikakasa ang pagbabakuna sa anim na district hospital at 18 eskwelahan sa buong lungsod na may tig-1,000 doses ng bakuna kontra COVID-19.
Bukod dito, isasabay na rin ang pagbabakuna sa mga kabataan sa anim na district hospital at 18 paaralan na mayroon rin tig-1,000 doses ng bakuna.
Para masigurong mababakunahan ang lahat ng kabataan at mga kabilang sa A1 hanggang A3 priority group, papayagan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga walk-in pero kinakailangan lamang na magdala ng mga dokumento at IDs.
Ang mga kabataan naman ay inaabisuhan na isa lang ang pwedeng isama sa loob ng vaccination sites.
Magsisimula naman ang malawakang pagbabakuna sa mga kabataan at sa mga tatanggap ng booster shot mamayang alas-7:00 ng umaga na magtatapos ng alas-4:00 ng hapon.