BORACAY CLOSURE | 6 buwang pagsasara ng Boracay simula sa April 26, nag-aantay na lang ng pirma ni Pangulong Duterte; Pal at CebPac, handang magbigay ng refund sa mga pasaherong naka-book na sa isla

Boracay – Inirekomenda na ng Department of Environment and Natural Resources, Department of Interior and Local Government at Department of Tourism ang anim na buwang pagpapasara sa Boracay na magsisimula sa Abril bente sais.

Ayon kay DILG Assistant Sec. For Plans and Programs Epimaco Densing III ito ang napagdesisyonan ng Inter-Agency Task Force matapos ang isinagawang pagpupulong kagabi, kasama si Aklan Gov. Florencio Miraflores.

Ang rekomendasyon aniya sa “April 26 Boracay Closure” ay agad na ipapadala ngayong araw kay Pangulong Rodrigo Duterte.


Pero, paglilinaw ni Densing – ang Pangulo pa rin ang may “last say” hinggil dito.

Inaantabayanan naman na ng mga airline company ang desisyon ng Pangulo.

Sa interview ng RMN-Manila, nilinaw ni Philippine Airlines Spokesperson Cielo Villaluna na kung ang mga turista ay may biyahe patungong Boracay sa April 26, mas mabuting humanap na ng ibang pagbabakasyunan.

Handa rin aniya ang pal na i-refund ang pamasahe sa mga maaapektuhang biyahero.

Para naman sa mga nakakuha ng “promo fare”, sinabi ni villaluna na maaring ilipat sa ibang destinasyon, pero dapat ay parehas lang ang halaga sa nakuhang promo.

Sa isang text message na ipinadala sa RMN Manila – tiniyak din ni Cebu Pacafic Spokesperson Charo Logarta na handa rin silang i-refund o ire-book ang biyahe ng kanilang mga pasahero.

Facebook Comments