Boracay rehab, mission accomplished ayon sa DENR

Iniulat ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) acting Secretary Jim Sampulna kay Pangulong Rodrigo Duterte na mission accomplished o matagumpay ang pagtatapos ng rehabilitation efforts sa Boracay Island.

Magugunita na taong 2018 nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagsasara ng Boracay Island matapos niya itong ideklara na “cesspool” sanhi ng walang humpay na development at overcrowding sa loob ng maraming taon.

Ayon kay Sampulna, hindi naging madali ang trabaho pero pinasalamatan niya ang mga pinagsamang pagsisikap ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF), lokal na pamahalaan, attached agencies at mga stakeholder.


Aniya, sa nakalipas na apat na taon ay kabilang sa kanilang mga hinarap na problema ay ang direct draining ng sewage sa dagat, paglutas sa unorganized solid waste management ng mga hotel at mga establisyimento malapit sa beach.

Ayon pa kay Sampulna, may 300 na istraktura ang natanggal sa beachfront habang higit 1,000 na istraktura ang giniba para mapalawak at maisaayos ang Boracay Circumferential Road.

Nasa 21 na sampling stations ang naitayo at regular na nagbabantay sa kalidad ng tubig ng isla.

Sa ngayon, ang pinakamataas na fecal coliform level na naitala sa huling dalawa hanggang limang buwan ay 33 most probable number per 100 milliliters na pasok sa standard water quality level.

Gumamit ang DENR-Mines and Geosciences Bureau ng ground penetrating radar upang matukoy ang 44 na malalaking tubo mula sa mga establisyimento na direktang nagtatapon ng maruming tubig sa beachfront.

Facebook Comments