Border control, hindi pa inirerekomenda ng DOH sa gitna ng pagtaas ng kaso ng flu sa China

Hindi pa inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang paghihigpit sa border ng bansa matapos mapaulat ang pagdami ng kaso ng respiratory illnesses sa China.

Ayon sa DOH, inalis ng World Health Organization (WHO) ang posibilidad na magpatupad ng travel restrictions, at sa halip ay magsagawa na lamang ng general preventive measures laban sa sakit.

Batay sa mga datos na nakalap ng ahensya mula sa WHO, kumpirmadong nagsimulang tumaas ang respiratory cases sa Beijing noong Oktubre, kung saan karamihan sa mga tinatamaan ay mga bata.


Nitong Nobyembre ay naobserbahan din ang clusters ng undiagnosed pneumonia sa mga pambatang ospital sa China.

Pero sabi ng Chinese health authorities, inaasahan na nila ang pagtaas ng hospital admissions na may kaugnayan sa respiratory illnesses dahil sa pag-luwag ng COVID-19 restrictions.

Samantala, nakaalerto naman ang DOH para sa mga bagong pathogens kasunod ng pagdami ng mga sakit na tulad ng trangkaso sa Pilipinas.

Pinapayuhan din ang publiko na boluntaryong magsuot ng face mask at magpabakuna.

Facebook Comments