BOUNCER SA ISANG BAR, PATAY MATAPOS SAKSAKIN NG KAPWA NITO BOUNCER

Cauayan City – Nauwi sa pananaksak-patay ang alitan sa pagitan ng dalawang bouncer sa lungsod ng Ilagan noong ika-13 ng Oktubre.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Ilagan City Police Station, ang biktima ay kinilalang si Pedro Circus o alyas “Tata”, 40 anyos, habang ang suspek ay kinilala naman sa pangalang “Thor”, nasa hustong gulang, parehong bouncer sa dalawang bar sa nabanggit na lungsod.

Sa inisyal na pagsisiyasat, bago mangyari ang insidente ay nagkainitan ang dalawa matapos umanong sulutin ng biktimang si alyas “Tata” ang customer ng bar na pinagta-trabahuan ng suspek na si “Thor”, at nang lumipat ng bar ang customer, dito na sumugod ang suspek upang komprontahin ang biktima hanggang sa tuluyan ngang mauwi ang hindi nila pagkakaunawaan sa pananaksak.


Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ang biktima matapos nitong magtamo ng saksak subalit idineklara itong dead on arrival, habang nagtangka ring tumakas ang suspek subalit kaagad rin itong nahuli ng mga awtoridad.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Ilagan City Police Station ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban rito.

Facebook Comments