Manila, Philippines – Aminado ang Bank of the Philippine Island o BPI na may pagkukulang sila sa nangyaring system glitch ng bangko noong June 7 at 8 na nagdulot ng kalituhan sa publiko.
Sa pagdinig ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries, sinabi ni Mr. Ramon Jocson, Head ng Enterprises Services ng BPI, na bahagi dapat ng kanilang control ang pagchecheck kung may ipinaayos sa kanilang banking system.
Ang nangyaring system glitch sa BPI ay isa umanong “human error” matapos na magkamali ang programmer.
Pero paglilinaw ng BPI, hindi intentional at walang malisya ang nangyaring pagkakamali dahil tatlong taon na rin sa kanila ang programmer na hindi naman pinangalanan.
Muli namang itinanggi ng BPI na nalagyan ng milyon o kaya ay bilyong halaga ng salapi ang ilang bank accounts.
Paliwanag ni Jocson, kumalat lamang sa social media ang mga posts na may nalagay na 8 million o 12 billion na halaga ng salapi sa mga bank accounts pero ito ay pawang gawa-gawa lamang ng mga social media users.
Dagdag pa ng BPI, wala ding nagsasampa ng kaso sa kanila matapos ang nangyaring system glitch.